Ipinagtibay ng kataas-taasang hukuman ang pagpasa ng Republic Act 11054 o ang Bangsamoro Organic Law subalit idineklara din nito na hindi bahagi ng Bangsamoro Region ang lalawigan ng Sulu.
Sa naging unanimous vote, sinabi ng mga mahistrado ng korte suprema na walang mali sa pagtatatag ng Bangsamoro Region dahil hindi ito aniya nalikha ng hiwalay na estado, walang kapangyarihan na makipag-ugnayan sa ibang mga estado at wala din itong soberanya at nananatiling nasa gobyerno pa rin ng pilipinas ang pamamahala sa usaping depensa at seguridad, nasyonalidad, foreign policy at foreign trade ng rehiyon.
Sa desisyong sinulat ng ponente na si Senior Associate Justice Marvic Leonen, limitado aniya ang autonomiya ng BARMM sa panloob na pamamahala at maari aniya ito magtakda ng ibang anyo ng gobyerno gaya ng pagtatayo ng parlyamento basta nasunod lamang ito sa demokratikong mga mithiin.
Samantala, idineklara ng Supreme Court na labag sa saligang batas ang naging interpretasyon sa probisyon ng BOL na nag-uutos sa mga lalawigan at lungsod sa Bangsamoro Region na bumoto bilang iisang geographical unit.
Aniya, nilalabag nito ang Artikulo 10 seksyon 18 ng konstitusyon ng taong 1987 na nagsasaad na tanging mga lalawigan, siyudad at mga heograpikal na lugar na bumoto ng pabor sa plebesito ang dapat isama sa autonomong rehiyin.
Dahil sa naging pagtanggi ng Sulu sa BOL sa pamamagitan ng plebesito, mali at hindi na maaring maisama ang lalawigang nabanggit sa BARMM.