Patay ang isang 61-anyos na babaeng residente ng Purok 5, Barangay Rosary Heights 9, Cotabato City matapos umanong saksakin sa loob ng kanyang tahanan kahapon, Agosto 11, 2026.
Kinilala ang biktima na si alyas Bay, biyuda at isang housewife, na idineklarang dead on arrival sa Cotabato Regional and Medical Center matapos dalhin doon para sa agarang lunas.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-2:55 ng hapon nang makatanggap ng tawag ang himpilan hinggil sa isang stabbing incident sa nasabing lugar.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya kasama ang mga imbestigador at nakumpirmang may naganap na insidente.
Batay sa salaysay ng isang residente sa lugar, nakita umano nito ang isang babaeng nakasuot ng itim na abaya na pumasok sa bahay ng biktima.
Makalipas ang ilang minuto, nakita umano ang babae na mabilis na lumabas ng bahay na nakasuot na ng pulang kamiseta at may dalang asul na eco-bag.
Nang puntahan ng residente ang bahay dahil sa kanyang hinala, nakita umano nito ang mga bakas ng dugo sa sahig.
Agad nitong hinabol ang suspek at humingi ng tulong sa iba pang residente, na nauwi sa pagkakaaresto sa suspek.
Kinilala ng pulisya ang naarestong suspek bilang si alyas Norms, 20-anyos, housewife at residente rin ng Purok 5, Barangay Rosary Heights 9.
Narekober umano mula sa pag-iingat ng suspek ang isang asul na eco-bag na naglalaman ng itim na abaya, isang pares ng itim na sandals, at isang itim na sling bag.
Nasa loob naman ng sling bag ang isang madugong kutsilyo, isang pares ng surgical gloves, isang gintong singsing, at cash na nagkakahalaga ng 12,500 piso.
Isinailalim sa crime scene processing ng SOCO team ang lugar, habang ang nakuhang kutsilyo at surgical gloves ay ipinasa sa RFU-BAR para sa DNA analysis.
Ayon sa pulisya, inihahanda ang kasong robbery with homicide laban sa suspek, habang na-claim na ng pamilya ang labi ng biktima para sa paghahanda sa kanyang libing.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang buong detalye at motibo sa insidente, kabilang ang umano’y personal na pakinabang bilang dahilan ng krimen.

















