Pinaalalahanan ng Ministry of Public Order and Safety o MPOS-BARMM ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril o anumang deadly weapon sa loob ng polling place para sa First Bangsamoro Parliamentary Election 2026.

Nakasaad sa Bangsamoro Autonomy Act No. 35 o Bangsamoro Electoral Code of 2023, Article VII, Section 28(c) na walang sinumang may dalang baril o iba pang nakamamatay na armas ang maaaring pumasok sa polling place, maliban sa mga taong hayagang awtorisado ng Commission on Elections o COMELEC.

Layunin ng naturang probisyon na mapanatiling ligtas at maayos ang mga lugar ng botohan at maprotektahan ang mga botante, election personnel at mga observer.

Kaugnay nito, hinikayat ng MPOS ang publiko na sundin ang mga itinakdang patakaran sa polling places at makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang seguridad, kaayusan at kapayapaan sa araw ng halalan.

Isinusulong ng MPOS ang naturang paalala bilang bahagi ng paghahanda para sa First Bangsamoro Parliamentary Election 2026, na nakatuon sa pagkakaroon ng ligtas at mapayapang proseso ng pagboto sa Bangsamoro.