Nasa Yellow Alert ang Mindanao Grid ngayong Miyerkules, Agosto 12, bunsod ng kakulangan sa operating margin para matugunan ang kinakailangang reserve ng transmission grid.
Batay sa abiso ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP, epektibo ang Yellow Alert mula ala-1 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Nasa 2,779 megawatts ang available capacity habang umaabot sa 2,689 megawatts ang inaasahang peak demand.
Ayon sa advisory, may mga power plant na kasalukuyang nasa forced outage, habang siyam na iba pa ang tumatakbo sa mas mababang kapasidad o derated capacity, dahilan para umabot sa 621.6 megawatts ang kapasidad na hindi available sa grid.
Kabilang sa mga binanggit na dahilan ng karagdagang Yellow Alert ang maintenance outage ng GNPK 2 na nagsimula noong Hulyo 28, 2026, gayundin ang emergency shutdown ng GNPK 1 noong Agosto 9 dahil sa boiler tube leak.
Isinasaalang-alang din ang mataas na forecasted system demand bilang isa sa mga dahilan ng pagdedeklara ng Yellow Alert.
Ang Yellow Alert ay inilalabas kapag hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.
Kaugnay nito, hinihikayat ang mga consumer na magtipid sa kuryente habang umiiral ang alerto, gaya ng pagpatay sa mga ilaw at appliances na hindi ginagamit, paglilimita sa paggamit ng mga kagamitang mataas ang konsumo sa kuryente, at pag-unplug ng mga device kapag hindi ginagamit.
Samantala, sinabi ng Cotabato Light na patuloy nitong mino-monitor ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa NGCP. Inaasahan din ang mga susunod pang update kaugnay sa kondisyon ng Mindanao Grid.

















