Muling pinagtibay ng pamahalaan ng Pilipinas o GPH at Moro Islamic Liberation Front o MILF ang kanilang commitment na ganap na ipatupad ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB, kasabay ng pagpapatuloy ng mga aktibidad sa Normalization.
Ito ay inanunsyo matapos ang ika-38 pulong ng GPH-MILF Peace Implementing Panels na ginanap noong Martes, Agosto 4, sa Davao City.
Sa naturang pagpupulong, naglabas ang magkabilang panig ng Joint Statement at nilagdaan ang Declaration of Continuity of the Partnership upang matiyak na magpapatuloy ang pagpapatupad ng CAB kahit magkaroon ng pagbabago sa liderato o political transition.
Nakasaad sa deklarasyon na muling magsasagawa ng magkasanib na pagpupulong ang mga mekanismo at technical working groups ng GPH at MILF at paiigtingin ang pagtupad sa mga natitirang commitment sa ilalim ng kasunduang pangkapayapaan.
Ayon kay GPH Peace Implementing Panel Chair Secretary Mel Senen Sarmiento, hindi lamang sa tagal ng kasunduan dapat masukat ang tagumpay nito kundi sa konkretong epekto ng peace process sa buhay ng mga mamamayan.
Binigyang-diin din ni Sarmiento na kailangang maramdaman ng mga komunidad ang kapayapaan sa pamamagitan ng konkretong pagbabago, habang sinabi nitong magkakaugnay ang political at Normalization tracks ng CAB.
Samantala, sinabi naman ni MILF Peace Implementing Panel Chair Mohagher Iqbal na nakasalalay sa ganap na pagtupad sa mga napagkasunduang commitment sa ilalim ng CAB ang pangmatagalang katatagan sa Bangsamoro.
Sa ilalim ng Declaration of Continuity, napagkasunduan din ng dalawang panig ang isang special meeting sa Kuala Lumpur, Malaysia na pansamantalang itinakda sa Setyembre ngayong taon upang higit pang mapalakas ang kanilang koordinasyon at mapanatili ang mga nakamit sa peace process.

















