Umani ng atensyon sa social media ang reklamo ng isang lalaki hinggil sa umano’y mabagal na pagtugon ng emergency hotline 911 matapos siyang humingi ng tulong para sa kanyang ama na nakaranas ng medical emergency.
Sa Facebook post ni Basty Askri, sinabi niyang ilang beses siyang tumawag sa 911 ngunit umabot umano ng halos 10 minuto bago nasagot ang kanyang tawag. Ayon sa kanya, ilang ulit din siyang pinaghintay ng operator at nakarinig umano siya ng tawanan at pag-uusap sa background habang humihingi ng agarang tulong.
Ibinahagi rin ni Askri na habang hinihintay ang responde, inatake umano ang kanyang ama kaya siya na mismo ang nagsagawa ng CPR.
Nang dumating umano ang ambulansiya, sinabi niyang wala itong dalang automated external defibrillator o AED, at wala rin umanong responder na agad nagsagawa ng CPR, dahilan upang siya pa rin ang magpatuloy sa pagtulong sa kanyang ama.
Ayon kay Askri, ibinahagi niya ang kanyang karanasan hindi lamang upang ilabas ang kanyang saloobin kundi upang manawagan para sa mas mabilis at maayos na pagtugon sa mga emergency call.

















