Sinibak sa puwesto ang hepe ng Customs Police sa Zamboanga City kasunod ng pagkakasangkot umano ng kanyang menor-de-edad na anak sa pamamaril sa Junior High School campus ng Ateneo de Zamboanga University o AdZU ngayong Martes, Agosto 18, 2026.

Kinumpirma ni Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang pagtanggal sa puwesto ng opisyal, kasunod ng insidenteng naganap sa Kreutz Campus sa Barangay Tumaga, Zamboanga City.

Ayon sa Bureau of Customs, isinagawa ang hakbang upang matiyak ang maayos at patas na imbestigasyon sa insidente, lalo na’t sinusuri pa ng mga awtoridad kung ang ginamit na baril ay may kaugnayan sa tungkulin ng customs official o isang service firearm.

Dalawang estudyante ang nasawi matapos pagbabarilin sa loob ng naturang paaralan, habang may iba pang iniulat na nasugatan.

Ang sinasabing suspek ay isang estudyante rin sa nasabing paaralan at menor-de-edad.

Hindi muna inilabas ng mga awtoridad ang pangalan ng customs official at ng kanyang anak dahil sa mga probisyon ng batas na nagpoprotekta sa pagkakakilanlan ng mga menor-de-edad.

Patuloy namang sinusuri ng Zamboanga City Police Office ang insidente upang matukoy kung may pananagutan, kabilang ang posibleng administrative o criminal liability, kaugnay ng pinagmulan at paggamit ng baril.

Inaalam din ng mga imbestigador ang buong pangyayari, kabilang ang motibo at iba pang detalye sa likod ng pamamaril.

Patuloy ang pangangalap ng mga awtoridad ng ebidensya at iba pang impormasyon habang inaasahang maglalabas pa ng karagdagang detalye ang Bureau of Customs at lokal na pulisya hinggil sa kaso.