Nagpaalala ang Ministry of Public Order and Safety o MPOS na ipinagbabawal ang karahasan, pagbabanta, pananakot at pamimilit na maaaring makaapekto sa pakikilahok ng mga tao sa First Bangsamoro Parliamentary Election 2026.

Batay sa inilabas ng MPOS, ipinagbabawal ng mga batas sa halalan ang mga gawaing nagbabanta sa kaligtasan, ari-arian o personal na karapatan kung ang layunin ay pilitin o pigilan ang isang tao na makilahok sa proseso ng halalan.

Binanggit din dito ang Bangsamoro Autonomy Act No. 35 o Bangsamoro Electoral Code of 2023, partikular ang Article VIII, Section 1, na tumutukoy sa mga karagdagang election offenses na may kaugnayan sa Section 261(e) ng Batas Pambansa Blg. 881.

Binibigyang-diin ang pagpapanatili ng kaligtasan, pagbabawal sa karahasan at pangangalaga sa kapayapaan sa panahon ng halalan.