Itinutulak ng Bangsamoro Parliament ang pagbuo ng pangmatagalang plano na magsisilbing gabay sa operasyon at pamamahala ng institusyon sa paglipat mula sa Bangsamoro Transition Authority patungo sa unang regular na Bangsamoro Parliament.
Ito ang naging sentro ng tatlong araw na Parliament Strategic Planning and Framework Workshop – Phase 2 na binuksan kahapon Agosto 18 sa Taguig City.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Speaker Mohammad S. Yacob na kailangang maisalin sa konkretong programa at gawain ang 10-year strategic framework ng Parliament, sa halip na manatili lamang itong dokumento.
Binigyang-diin niya ang pangangailangang magkaroon ng malinaw na target, budget, timeline at opisina o taong responsable sa bawat layunin upang masukat ang pagpapatupad ng plano.
Kabilang sa limang pangunahing tema ng strategic framework ang governance, autonomy and unity; peace, security and social cohesion; human development and inclusion; sustainable and equitable economic development; at climate resilience and sustainability.
Ayon kay Yacob, mahalagang nakatuon ang pagpaplano hindi lamang sa kasalukuyang termino ng mga opisyal kundi sa mga pangangailangan ng Bangsamoro sa susunod na sampung taon.
Iginiit din niya na mahalaga ang papel ng Parliament Secretariat dahil mananatili ang mga kawani nito habang nagbabago ang mga lider at miyembro ng Parlamento.
Layunin ng workshop na bumuo ng mas detalyadong strategic plan na may malinaw na performance indicators, takdang panahon at responsibilidad ng bawat tanggapan.
Sa pamamagitan nito, nais ng Parliament na maihanda ang mga sistema at proseso na maaaring ipagpatuloy ng unang regular na Bangsamoro Parliament.

















