Mariing kinondena ng Wali ng Bangsamoro na si His Eminence Sheikh Muslim M. Guiamaden ang armadong pag-atake sa convoy ni Chief Minister Abdulraof A. Macacua sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong Agosto 15, 2026.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Guiamaden na malalim ang kanyang pagkabahala sa insidente at nagpapasalamat siya sa Allah dahil naligtas sa kapahamakan ang Chief Minister at ang mga kasama nito.
Binigyang-diin ng Wali na sagrado ang buhay ng tao at walang pagkakaiba sa pulitika, personal na alitan, o pansariling interes ang maaaring maging dahilan para maging katanggap-tanggap ang karahasan.
Nanawagan din siya sa publiko, lalo na sa mga lider ng relihiyon, tradisyunal na lider, opisyal ng pamahalaan, peace advocates at mga komunidad, na pairalin ang pasensya, karunungan, pag-uusap at respeto sa isa’t isa.
Hinimok din ni Guiamaden ang lahat na iwasan ang mga hindi beripikadong paratang at mga pahayag na maaaring magdulot ng takot, galit at pagkakahati-hati.
Ayon sa Wali, dapat maitatag ang katotohanan sa pamamagitan ng tamang imbestigasyon at hayaang manaig ang hustisya.
Nanawagan din siya na patuloy na pangalagaan ang kapayapaan at pagkakaisa ng Bangsamoro upang hindi na muling mag-ugat ang karahasan sa komunidad.

















