Dalawa ang patay habang isa ang sugatan matapos pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang sinasakyang sasakyan ng mga biktima sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.

Naganap ang insidente dakong alas-12:50 ng tanghali nitong Agosto 20 sa Sitio Panang, Barangay Salbu, Datu Saudi Ampatuan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Kamarudin Mangansakan Ebus, isang negosyante, at Mohalidin Latip Esmael, kapwa nasa hustong gulang at residente ng Cotabato City.

Sugatan naman ang kanilang kasama na si Kenedie, isang laborer at residente rin ng Cotabato City.

Batay sa paunang imbestigasyon, mula Datu Unsay patungong Cotabato City ang mga biktima nang pagbabarilin sila ng mga hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo.

Agad tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Talayan, Maguindanao del Sur.

Isinugod naman ng Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station ang mga biktima sa Integrated Provincial Health Office o IPHO ng Maguindanao del Sur.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang mga suspek at motibo sa pamamaril, habang inilunsad na rin ang hot pursuit operation.