Pinagpapaliwanag ng Ministry of the Interior and Local Government o MILG-BARMM ang punong barangay ng Tamontaka III sa Cotabato City kaugnay ng umano’y iregular na paggastos o paglalabas ng pondong barangay na aabot sa 6.88 milyong piso.
Sa Show Cause Order na inilaba kamakalawa Agosto 19, 2026, inatasan ni MILG Minister Jordan Bayam si Barangay Chairman Zailon Kasan na magsumite ng nakasulat na paliwanag sa loob ng 72 oras mula sa pagtanggap ng kautusan.
Batay sa verified complaint-affidavit na inihain ni Harris B. Mohamad Jr. noong Agosto 10, iniuugnay kay Kasan ang umano’y 28 transaksyon na isinagawa sa loob lamang ng isang araw noong Agosto 6, 2024, na may kabuuang halaga na 6 milyon 880 libong piso.
Kabilang sa mga alegasyon laban sa barangay chairman ang grave misconduct, gross negligence, dereliction of duty, abuse of authority at paglabag umano sa government accounting at budgetary rules.
Ayon sa MILG, maaaring patawan ng disciplinary action ang isang halal na lokal na opisyal sa ilalim ng Bangsamoro Local Governance Code of 2023 kung mapatutunayang sangkot sa misconduct, gross negligence, dereliction of duty o abuse of authority.
Nilinaw sa kautusan na binibigyan si Kasan ng pagkakataong ipaliwanag ang kanyang panig at ipakita kung bakit hindi siya dapat patawan ng administrative action.
Wala pang nakasaad sa dokumento kung ano ang naging tugon ni Kasan sa mga alegasyon.

















