Binaril ng hindi pa nakikilalang suspek ang isang 47-anyos na negosyante at tinamaan naman ng ligaw na bala ang isang 68-anyos na babae sa isang restaurant sa Barangay Semba, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, dakong alas-8:30 ng umaga ngayong Agosto 21.
Kinilala ang mga biktima na sina Suraya, 47-anyos, at Tarhata, 68-anyos.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nakaupo sa labas ng restaurant si Suraya, nang bigla siyang barilin, habang nasa loob naman si Tarhata nang tamaan ng ligaw na bala.
Kapwa isinugod sa ospital ang mga biktima para sa agarang gamutan.
Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala na hinihinalang mula sa kalibre .45 na baril at isang deformed slug.
Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Patuloy ang hot pursuit operation ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station para sa posibleng pagkakadakip sa suspek.

















