Nasawi ang isang babae habang sugatan naman ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Sitio Malingco, Barangay Inug-ug, Pikit, North Cotabato, kaninang umaga, Agosto 21.

Batay sa ulat ng PNP, kinilala ang mga biktima sa alyas na Colie, na nasawi, at Orlan, na nagtamo ng maraming tama ng bala ngunit nananatiling buhay.

Ayon sa pulisya, naglalakbay ang mga biktima mula Kabacan patungong Pikit nang umano’y sundan sila ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Pinaulanan umano ng putok ng mga suspek ang mga biktima gamit ang hindi pa nakikilalang uri ng baril, dahilan upang tamaan ng bala ang mga ito.

Naganap ang pamamaril dakong alas-10:50 ng umaga at naiulat sa pulisya makalipas ang tatlong minuto.

Isinugod si Orlan sa Cruzado Hospital sa Pikit para sa agarang gamutan, habang dinala naman sa punerarya sa Midsayap ang labi ni Colie.

Wala namang nakuhang basyo ng bala sa crime scene, habang patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa insidente at pagkakakilanlan ng mga suspek.

Unang rumesponde ang Pagalungan Municipal Police Station at siniguro ang lugar upang mapangalagaan ang mga posibleng ebidensya.

Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente, habang inaayos ang usapin sa hurisdiksyon ng kaso.