‎Mariing pinabulaanan ni Hadji Muhtamad Mayor Arsina Kahing-Nanoh ang mga alegasyong iniuugnay sa kanya at sa kanyang mga kababayan kaugnay ng pamamaslang na naganap sa Pilas Island noong nakaraang taon.

‎Kasunod ito ng paglabas ng warrant of arrest kaugnay ng naturang insidente, na ayon sa alkalde ay nagdulot ng mga paratang laban sa ilang miyembro ng kanyang pamilya, mga tagasuporta at residente ng kanilang lugar.

‎Iginiit ni Kahing-Nanoh na dapat manaig ang due process at hustisya sa halip na mga alegasyon at paggamit umano ng isyu sa pulitika.

‎Ayon sa alkalde, matagal niyang piniling manahimik at hinayaang dumaan sa legal na proseso ang usapin habang ginagampanan ng kanyang mga abogado ang kanilang tungkulin.

‎Gayunman, sinabi niyang napilitan siyang magsalita upang ipagtanggol ang kanyang panig at ang mga taong umano’y nadamay sa kontrobersya.

‎Samantala, binanggit din ni Kahing-Nanoh ang resulta umano ng imbestigasyon ng Philippine National Police-Internal Affairs Service o PNP-IAS.

‎Ayon sa alkalde, walang nakitang katotohanan sa ilang alegasyon ng misconduct kaugnay ng mga isinagawang operasyon.

‎Gayunman, iniulat din umano sa naturang imbestigasyon ang presensya ng mga armadong grupo sa Pilas na sinasabing may planong manggulo sa panahon ng halalan.

‎Binanggit din umano sa ulat ang ilang indibidwal na hindi residente ng lugar na nagtungo sa Pilas at iniugnay sa kampo ni dating Mayor Hadji Jamar Mansul.

‎Kabilang sa mga pangalang binanggit ng alkalde sina Ben Awis Bakil na sinabing taga-Indanan, Sulu; Samir Amiri Allil na sinabing taga-Sta. Catalina, Zamboanga City; at Murasidul Manialas Abdurahman na sinabing taga-Ayala, Zamboanga City.

‎Gayunman, ang mga naturang pahayag at alegasyon ay kailangan pang mapatunayan sa pamamagitan ng kaukulang imbestigasyon at legal na proseso.

‎Sa huli, nanawagan si Kahing-Nanoh sa publiko na huwag agad maniwala sa mga paratang at umiwas sa mga pahayag na maaaring magpalala sa tensiyon sa lugar.

‎Iginiit ng alkalde na ang kanyang panawagan ay para sa hustisya, kapayapaan at kaunlaran ng mga residente ng Pilas Island.