Binabantayan ng PAGASA ang Typhoon Saudel na maaaring makaapekto sa panahon sa bansa sa mga susunod na araw, kahit hindi inaasahang direktang tatama sa kalupaan ng Pilipinas.

Posible umanong makapasok ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility o PAR sa pagitan ng Lunes at Miyerkules, kung saan papalitan ang pangalan nito ng “Obet.

Kapag nangyari ito, magiging ika-15 tropical cyclone ito na mabubuo sa loob ng PAR ngayong taon at ikaapat ngayong Agosto, kasunod ng Luis, Maymay at Neneng.

Huling namataan ang Saudel sa layong 2,725 kilometro silangan ng Southeastern Luzon at kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras.

May taglay itong maximum sustained winds na 130 kilometro kada oras at pagbugsong umaabot sa 160 kilometro kada oras.

Bagama’t malayo pa at hindi inaasahang magla-landfall, maaari umanong palakasin ng Saudel ang Habagat, na posibleng magdala ng mas maraming pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon.

Samantala, mataas naman ang posibilidad na maging Tropical Depression sa loob ng 24 oras ang LPA na dating bagyong Neneng, na huling namataan sa layong 735 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat, Batanes.

Naging ganap namang Tropical Depression ang isa pang LPA sa labas ng PAR, na nasa layong 1,220 kilometro silangan ng Northeastern Mindanao.

Dahil sa pinalakas na Habagat, inaasahan ngayong araw ang mahina hanggang katamtamang pag-ulan sa Northern at Central Luzon.

Maaaring makaranas ng kalat-kalat na ulan at thunderstorms ang Ilocos Region, Apayao, Abra, Benguet, Batanes at Cagayan, habang isolated rain showers o thunderstorms naman ang posible sa Metro Manila, Cordillera, Cagayan Valley, Central Luzon at CALABARZON.