Nasawi ang isang police officer at dalawang hinihinalang nagbebenta ng ilegal na armas matapos mauwi sa palitan ng putok ang isang entrapment operation kahapon, Agosto 23, sa Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Kinilala ang nasawing pulis na si Police Major Aiman Khuzaimah P. Pantaran, hepe ng intelligence unit ng Pagadian City Police Station.

Ayon sa mga awtoridad, isinagawa ang operasyon sa Purok Malipayon, Barangay Dao, kaugnay ng umano’y bentahan ng armas.

Gayunman, nakahalata umano ang dalawang target na mga pulis ang kanilang kausap kaya bumunot sila ng baril at nagpaputok, na nauwi sa palitan ng putok.

Tinamaan sa dibdib si Pantaran, habang nagtamo rin ng tama ng bala ang dalawang target.

Agad silang isinugod sa Mendero Medical Center, ngunit idineklarang dead on arrival.

Samantala, nagpahayag ng pagluluksa ang Police Regional Office 9 sa pagkamatay ni Pantaran at kinilala ang kanyang serbisyo at sakripisyo sa pagtupad ng tungkulin.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente.