Patay ang isang 53-anyos na punong barangay matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa Barangay Bannawag, President Quirino, Sultan Kudarat ngyong Lunes, Agosto 24.

Kinilala ng President Quirino Municipal Police Station ang biktima bilang si Bernaned Acosta Barua, Punong Barangay ng Bannawag at residente ng Purok 4 ng nasabing lugar.

Naganap ang insidente bandang alas-11:20 ng umaga sa Purok 3, kung saan kasama umano ng biktima ang kanyang asawa at isa pang kasama habang kumakain malapit sa kanyang sari-sari store.

Ayon sa paunang imbestigasyon, biglang dumating ang dalawang lalaki na kapwa nakasuot umano ng itim na jacket at bonnet.

Sakay ng isang itim na Suzuki Raider 150 na walang plaka ang mga suspek nang lapitan ang biktima at paulanan ito ng bala gamit ang hindi pa matukoy na uri ng baril.

Matapos ang pamamaril, agad na tumakas ang mga suspek patungo sa Barangay Malingon.

Nagtamo ng ilang tama ng bala sa katawan si Barua at isinugod sa ospital, ngunit hindi na ito nakaligtas.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at malaman ang motibo sa pamamaril.