Arestado ang isang drug personality matapos maaktuhang sangkot sa ilegal na droga sa Barangay Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi kahapon Agosto 24, 2026.

Isinagawa ang operasyon pasado alas-2:56 ng hapon bilang tugon sa ulat hinggil sa umano’y aktibidad ng ilegal na droga sa lugar.

Pinangunahan ito ng mga tauhan ng Bongao Municipal Police Station sa ilalim ni PLTCOL Roy R. Zantua, katuwang ang 1405th B RMFB 14-B, 1st Special Operations Unit ng Maguindanao at Tawi-Tawi Maritime Police Station.

Pagdating sa lugar, naaktuhan umano ng mga operatiba ang suspek na nakikipagtransaksyon at may dalang ilegal na droga, dahilan upang siya ay arestuhin.

Nasamsam sa operasyon ang dalawang heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may bigat na pitong gramo at nagkakahalaga ng P47,600.

Nakuha rin ang 25 sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 0.750 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P5,100, gayundin ang isang coin purse.

Umaabot sa tinatayang P52,700 ang kabuuang halaga ng nakumpiskang hinihinalang shabu.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.