Posibleng makasuhan ang mga nagpo-post ng AI-generated na larawan na nagpapakitang nakasuot ng uniporme ng Philippine National Police o PNP ang isang taong hindi naman miyembro ng organisasyon.
Ayon kay Police Brigadier General Randulf Tuaño, Director ng Police Regional Office 6, hindi kriminal na aktibidad ang paggamit mismo ng Artificial Intelligence o AI.
Gayunman, maaari itong humantong sa paglabag sa batas kapag ginamit ang AI at ipinost ang naturang content sa paraang maaaring makapanlinlang o magmukhang lehitimong miyembro ng PNP ang isang sibilyan.
Maaaring pumasok dito ang Article 177 ng Revised Penal Code o Usurpation of Authority or Official Functions, gayundin ang Article 179 o Illegal Use of Uniforms or Insignia.
Nagbabala rin si PBrigadier General Tuaño laban sa pagsusuot o paggamit ng PNP uniform ng mga hindi miyembro ng organisasyon, kabilang na sa mga aktibidad gaya ng “Career Day.”
Binigyang-diin niya na hindi dapat ginagamit ng mga sibilyan ang uniporme ng PNP, lalo na kung maaari itong magbigay ng maling impresyon na sila ay kabilang sa kapulisan.

















