Patuloy na nakaaapekto ang Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon, ayon sa pinakahuling weather forecast.

Sa Zambales, inaasahan ang mga panaka-nakang pag-ulan na maaaring maging katamtaman hanggang malakas, na posibleng magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa.

Samantala, maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms ang mararanasan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, nalalabing bahagi ng Central Luzon, Cavite, Batangas, Rizal, Occidental Mindoro, Palawan at Antique.

Posible rin ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makakaranas ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan.

Sa nalalabing bahagi ng Luzon at Western Visayas, bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan ang inaasahan, kasama ang mga isolated rainshowers o thunderstorms.

Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa, kabilang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, ay makararanas din ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.

Pinaalalahanan ang publiko, lalo na ang mga nasa lugar na maaaring makaranas ng malalakas na thunderstorms, na mag-ingat dahil posible ang biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.