Ibinasura ng Supreme Court ang motion for reconsideration ni Datu Pax Ali S. Mangudadatu kaugnay ng kanyang kandidatura sa pagka-gobernador ng Sultan Kudarat.
Sa resolusyong inilabas noong Agosto 26, pinagtibay ng Supreme Court En Banc ang nauna nitong desisyon na kanselahin ang certificate of candidacy ni Mangudadatu.
Muling nilinaw ng Korte na walang legal na batayan ang “second placer rule,” kung saan maaaring ideklarang panalo ang kandidatong pumangalawa kapag na-disqualify ang nangungunang kandidato.
Ayon sa Supreme Court, walang batas na nagbibigay ng kapangyarihang ideklarang panalo ang second placer dahil ang kinikilalang nahalal ay ang kandidatong nakakuha ng pinakamaraming boto.
Para sa mga lokal na posisyon, ang bakanteng puwesto ay dapat punan sa ilalim ng rules on succession, kaya ang Vice Governor ang hahalili bilang Governor.
Limitado naman ang ruling sa mga lokal na posisyong saklaw ng Local Government Code.

















