Patay ang isang lalaki habang sugatan ang driver ng motorsiklo matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Buricain, Pahamuddin, SGA-BARMM, kahapon, Agosto 27.

Kinilala ang nasawi na si Farhan Endaw Lidasan, 31 anyos, na tinamaan ng bala sa ulo at katawan.

Sugatan naman sa binti ang driver na si alyas Lau, 30 anyos, at agad na isinugod sa ospital sa Libungan, North Cotabato.

Batay sa paunang imbestigasyon, nakisakay lamang umano si Farhan Endaw Lidasan kay alyas Lau na patungo sa Pigcawayan nang sundan sila ng mga suspek at pagbabarilin.

Narekober sa pinangyarihan ang tatlong basyo ng kalibre .45 at dalawang basyo ng kalibre 5.56 na long firearm.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa krimen, kabilang ang posibleng kaugnayan nito sa ilegal na droga.