Umakyat na sa 392 ang pansamantalang bilang ng mga nasawi matapos hagupitin ng dambuhalang flash flood ang mga komunidad sa hangganan ng Nepal at Tibet, habang nasa 1,400 katao naman ang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.
Sa pinakahuling ulat, 389 katao ang nasawi sa Nepal at tatlo naman sa Tibet, matapos rumagasa ang tubig, putik, bato at iba pang debris sa mga bayan at lambak sa bulubunduking lugar.
Kabilang sa mga hindi pa natatagpuan ang daan-daang dayuhang turista at pilgrims mula sa iba’t ibang bansa, na nasa lugar nang mangyari ang sakuna.
Naging mahirap ang search and rescue operation dahil sa pagkasira ng mga kalsada at tulay, habang natabunan naman ng makapal na putik at debris ang ilang komunidad.
Gumamit ang mga rescue team ng mga helicopter para maabot ang mga liblib na lugar, maghatid ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan, at ilikas ang mga nakaligtas at nasugatan.
Batay sa paunang pagsusuri, nagsimula ang trahedya nang gumuho ang malaking bahagi ng yelo at bato mula sa glacier sa Himalayas, na nagdulot ng napakalakas na agos ng tubig at debris patungo sa mga ilog at kalapit na komunidad.
Patuloy ang operasyon ng mga awtoridad habang tinutukoy ang mga nawawala at inaalam ang lawak ng pinsala sa mga lugar na matinding naapektuhan ng baha.

















