Pinagtibay ng Commission on Elections o COMELEC En Banc ang naunang desisyon nitong kanselahin ang registration at accreditation ng Moro Ako Party bilang Regional Parliamentary Political Party o RPPP para sa 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections.

Sa Resolution na ipinromulgate kahapon Agosto 27, 2026, ibinasura ng COMELEC En Banc dahil sa kawalan ng merito ang Verified Motion for Reconsideration na inihain ng Moro Ako Party noong Agosto 10.

Dahil dito, nananatiling epektibo ang naunang Resolution ng COMELEC En Banc noong Agosto 4 na nagkansela sa registration at accreditation ng partido para sa 2026 BARMM Parliamentary Elections.

Ayon sa COMELEC, nakita nitong may mga material defect sa listahan ng chapter offices at addresses na isinumite ng partido bilang bahagi ng kanilang registration requirements.

Kabilang sa mga binanggit ng poll body ang mga hindi tugmang lokasyon ng ilang chapter, kabilang ang pagkakatalaga ng Lamitan Chapter sa Sulu at Cotabato City Chapter sa Lanao del Norte, gayundin ang magkakaibang address na iniuugnay sa ilang chapter sa Maguindanao del Sur.

Binanggit din ng COMELEC ang mga attendance sheet ng chapter meetings na pare-parehong may petsang June 18, 2026, walang nakasaad na agenda o matters resolved, at umano’y nagpapakita ng pagkakasulat at lagda na mula sa iisa o iilang tao.

Hindi rin nakumbinsi ang COMELEC sa depensa ng partido na ang mga pagkakaiba sa listahan ay mga typographical error lamang.

Ayon sa poll body, hindi umano sapat na ipaliwanag bilang simpleng clerical error ang lawak ng mga discrepancy, lalo na’t wala umanong ibang umiiral na rekord na maaaring gamiting batayan upang itama ang mga entry.

Iginiit din ng COMELEC na ang registration at accreditation bilang RPPP ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan, kaya kinakailangang mahigpit na matugunan ng isang partido ang mga itinakdang requirement.

Samantala, hindi rin pinagbigyan ng COMELEC ang mga bagong argumentong inihain ng Moro Ako Party sa motion for reconsideration, kabilang ang alegasyong hindi nagtutugma ang mga lagda ng petitioner at ang pagkuwestiyon sa kanyang pagkakakilanlan.

Ayon sa En Banc, hindi na maaaring unang iharap sa motion for reconsideration ang mga argumento at teoryang hindi naitaas noong unang pagdinig ng kaso.

Nilinaw din ng COMELEC na may kapangyarihan ang En Banc na kumilos sa usapin ng registration at accreditation ng mga political party bilang bahagi ng administrative powers nito.

Sinabi ng poll body na ang naunang accreditation ng Moro Ako Party ay hindi hadlang upang muling suriin ang kanilang registration kung may lumitaw na mga isyu sa kanilang mga isinumiteng dokumento.

Sa huli, sinabi ng COMELEC na walang sapat na dahilan upang baligtarin ang naunang desisyon at dahil dito, DENIED ang Motion for Reconsideration ng Moro Ako Party.

Nanatiling CANCELLED ang registration at accreditation ng Moro Ako Party bilang Regional Parliamentary Political Party para sa 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections.