Tiniyak ng administrasyong Marcos na magpapatuloy nang walang pagkaantala ang mahahalagang serbisyo sa kalusugan at edukasyon sa Sulu habang isinasagawa ang transisyon ng lalawigan patungo sa Region Nine.

Pinangunahan ni Special Assistant to the President Anton Lagdameo ang isang inter-agency coordination meeting kasama ang mga ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholders upang pag-usapan ang pagpapatuloy ng serbisyo sa mga residente ng Sulu.

Bahagi ito ng hakbang ng pamahalaan para maging maayos ang transisyon sa ilalim ng Executive Order Number 91, na nagtatakda ng phased transition at pagpapatuloy ng operasyon ng pamahalaan at mga pangunahing serbisyo publiko.

Kabilang sa tinalakay ang pagtatatag at operational requirements ng Sulu Schools Division Office, suporta para sa mga guro at iba pang education personnel, gayundin ang mga pangangailangan sa pondo at operasyon ng mga health facility.

Tinalakay rin ang maayos na paglipat ng mga health program, pasilidad at resources upang matiyak na hindi maaantala ang serbisyong medikal sa mga komunidad.

Ayon kay Lagdameo, kinakailangan ang malapit na koordinasyon ng national government agencies, local leaders at iba pang stakeholders dahil patuloy na nahaharap sa hamon sa access sa edukasyon at healthcare ang ilang komunidad sa Sulu, partikular sa mga geographically isolated at remote areas.

Iginiit niya na hindi lamang dapat nakatuon ang transisyon sa paglilipat ng mga tungkulin ng pamahalaan kundi sa pagpapabuti ng aktuwal na serbisyo para sa mga residente.

Para sa sektor ng edukasyon, kabilang sa prayoridad ang pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga mag-aaral at pagbibigay ng kinakailangang suporta sa mga guro at education workers.

Sa sektor naman ng kalusugan, layunin ng pamahalaan na mapanatiling accessible ang mga serbisyong medikal at matiyak ang patuloy na pagkakaloob ng pangangalaga sa mga pasyente at komunidad.

Sinabi ni Lagdameo na ang magiging sukatan ng tagumpay ng transisyon ay hindi lamang ang pagkumpleto sa mga administratibong proseso kundi ang epekto nito sa araw-araw na buhay ng mga residente ng Sulu.