Naaresto ang isang BJMP personnel matapos umanong makuhanan ng 2.34 gramo ng hinihinalang shabu sa Ormoc City Jail–Male Dormitory kamakailan.
Batay sa ulat ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Region VIII, isang self-sealed plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substance ang nakuha mula sa naturang kawani.
Tinatayang 2.34 gramo ang timbang ng nakumpiskang substance na hinihinalang shabu.
Kasunod ng insidente, isinailalim ito sa kaukulang imbestigasyon at legal at administratibong proseso ng BJMP Region VIII.
Ayon kay Regional Director JSSUPT Rill F. Sonon, pananagutin ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas, anuman ang ranggo o posisyon.
Tiniyak din ng opisyal na dadaan ang insidente sa nararapat na proseso at hindi magkakaroon ng pagtatakip, habang igagalang ang karapatan ng nasasangkot sa ilalim ng due process.

















