Sumailalim sa campaign at voter’s education ang mga Ulama at Asatiz mula sa Special Geographic Area o SGA bilang paghahanda sa 2026 BARMM Parliamentary Elections.

Isinagawa ang aktibidad kahapon, Agosto 30 sa Hall 3, 3rd Floor ng Robinsons sa Cotabato City, na dinaluhan ng 116 na kalahok, kabilang ang mga Ulama, Asatiz, party nominees at sectoral representatives.

Pinangunahan ang programa ng BFP Ulama Sectoral Wing sa pangunguna ni Chairman Sheikh Musa M. Laolao, kasama ang mga opisyal at nominees ng sektor.

Tinalakay sa aktibidad ang kahalagahan ng voter’s education, tamang pakikilahok sa halalan, at pagkakaroon ng sapat na kaalaman ng mga Ulama at Asatiz upang maipabatid sa kanilang mga komunidad ang responsableng paggamit ng karapatang bumoto.

Nagbigay rin ng mensahe si First Nominee Sheikh Marhan M. Borhan hinggil sa mahalagang papel ng mga Ulama sa pagtataguyod ng maayos, responsable at makabuluhang pamamahala sa Bangsamoro.

Samantala, ipinakita rin ng walong munisipalidad mula sa SGA ang kanilang pakikiisa sa aktibidad, kabilang ang Kadayangan, Pahamudin, Nabalawag, Tugunan, Malidegaw, Ligawasan, Kaabakan at Kapalawan.

Layunin ng naturang pagtitipon na mapalakas ang kaalaman at pakikilahok ng sektor ng Ulama at Asatiz sa halalan, bilang bahagi ng pagsusulong ng mapayapa, maayos at responsableng halalan sa Bangsamoro.