Isinuko ng mga residente ang 44 loose firearms sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, bilang bahagi ng panawagan para sa kapayapaan at seguridad matapos ang umano’y strafing incident sa convoy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa Barangay Bitu.

Pinangunahan ng 1st Mechanized Infantry Battalion at Municipal Government of Datu Odin Sinsuat ang turnover, kasama ang mga barangay officials, security forces at iba pang stakeholders.

Ang mga armas ay boluntaryong isinuko ng mga residente mula sa 25 barangay na sakop ng Area of Responsibility ng 1st Mechanized Infantry Battalion, sa pamamagitan ng kani-kanilang barangay chairperson.

Kabilang dito ang apat na fabricated 7.62-millimeter sniper rifle, isang caliber .30 Garand rifle, isang fabricated M16 rifle, isang caliber .30 carbine, isang RPG, tatlong 40-millimeter grenade launcher, tatlong fabricated 9-millimeter submachine gun, 11 fabricated 12-gauge shotgun, at 17 iba’t ibang pistol at revolver.

Samantala, tiniyak ni Datu Odin Sinsuat Mayor Abdulmain “Baba” Abas ang suporta sa patas, malinaw at mabilis na imbestigasyon sa insidente at sa pagsunod sa naaangkop na legal na proseso.

Nanawagan naman ang mga kalahok sa pagpigil sa karahasan at pagpapanatili ng kapayapaan, pagkakaisa at seguridad sa komunidad.