Pinahinto para sa beripikasyon ang convoy ng 131st Brigade ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa isang checkpoint sa Kolambugan, Lanao del Norte, matapos hindi makapagpakita ng mga dokumentong nagpapatunay ng koordinasyon sa mga awtoridad.
Naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng umaga nitong Setyembre 2 sa Barangay Libertad, Kolambugan, kung saan nagsagawa ng checkpoint operation ang mga tauhan ng 1st Provincial Mobile Force Company ng Lanao del Norte Police Provincial Office, katuwang ang 5th Mechanized Battalion ng Philippine Army.
Binubuo ang convoy ng 23 sasakyan at limang motorsiklo.
Sa isinagawang beripikasyon, hindi umano nakapagpakita ang grupo ng kaukulang dokumento o patunay ng naunang koordinasyon sa mga kinauukulang awtoridad para sa kanilang pagdaan sa lugar.
Dahil dito, isinailalim sa ligtas at maayos na pag-escort ng PNP at AFP ang convoy pabalik sa kanilang pinanggalingan sa Picong, Lanao del Sur, upang mapanatili ang seguridad at kaayusan sa lugar.
Ayon kay Lanao del Norte Police Provincial Director PCOL Leo De Leon Sua, layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng publiko at maiwasan ang anumang hindi pagkakaunawaan, habang iginagalang ang umiiral na mga mekanismo sa usapang pangkapayapaan.
Hinimok naman ni Sua ang mga grupong magsasagawa ng organisadong paggalaw, lalo na ang malalaking convoy, na makipag-ugnayan muna sa mga kinauukulang awtoridad.
Samantala, tiniyak ng Lanao del Norte PPO ang patuloy na pakikipagtulungan sa Philippine Army, mga lokal na pamahalaan at iba pang peace and security partners para mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lalawigan.

















