Nanawagan si Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento na palakasin ang kakayahan ng mga institusyon, isulong ang inklusibong pag-unlad, at pagtibayin ang pagtutulungan para sa mas ligtas at matatag na mga komunidad sa Bangsamoro.

Ito ang binigyang-diin ni Sarmiento sa Resilience Exchange Forum na isinagawa noong Miyerkules, Setyembre 2, 2026.

Layunin ng forum na pagsama-samahin ang mga peace and development stakeholders upang magpalitan ng mga epektibong estratehiya at talakayin ang mga hakbang para mapalakas ang kahandaan laban sa sakuna at epekto ng climate change.

Pinuri rin ni Sarmiento ang Iranun Development Council na binubuo ng mga bayan ng Barira, Buldon, Matanog, at Parang, dahil sa mga hakbang nito tungo sa pagtatatag ng mapayapa, climate-resilient, at mas maunlad na corridor sa BARMM.

Samantala, tiniyak ni Sarmiento ang patuloy na suporta ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU sa mga lokal na opisyal at peace stakeholders.

Ayon sa kalihim, mahalaga ang sama-samang pagkilos upang maisalin ang mga development plan sa konkretong proyekto at pangmatagalang benepisyo para sa mga Bangsamoro.