Pormal na isinuko sa Philippine Army ang ilang loose firearms at mga bala sa isinagawang turnover ceremony sa Municipal Hall ng General Salipada K. Pendatun, Maguindanao del Sur kahapon, Setyembre 2, 2026.

Pinangunahan ang aktibidad ng lokal na pamahalaan ng General Salipada K. Pendatun, katuwang ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at security sector bilang bahagi ng kampanya laban sa paglaganap ng mga loose firearms.

Kabilang sa mga isinuko ang M1 Garand rifle, M14 rifle, Ingram submachine gun, anim na RPG launcher, apat na UZI, KZ9 caliber .45, MAT-49, Smith & Wesson .357 Magnum at ilang shotgun, kasama ang mga bala.

Ayon kay Lieutenant Colonel Raul Escat, Commanding Officer ng 2nd Mechanized Infantry Battalion, mahalaga ang patuloy na pagtutulungan ng pamahalaan, mga security forces at komunidad upang mapigilan ang karahasan at kriminalidad na maaaring dulot ng mga loose firearms.

Hinimok din ng Army ang publiko na suportahan ang Balik-Baril Program at boluntaryong isuko ang mga hindi lisensyadong armas, lalo na sa paghahanda para sa nalalapit na BARMM Elections.

Binigyang-diin ng mga awtoridad na ang pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad ay responsibilidad ng buong komunidad.