Nagpatuloy nitong Setyembre 3, 2026 ang clearing operations ng lokal na pamahalaan sa iba’t ibang bahagi ng Cotabato City.
Kasabay nito, muling pinaalalahanan ang mga motorista na mahigpit na ipinagbabawal ang pagparada sa mga lugar na may nakapaskil na “No Parking” at “No Parallel Parking” signage.
Ayon sa lokal na awtoridad, may ilang motorista pa ring sadyang nagpaparada sa mga lugar na malinaw na mayroong mga karatula, at may ilan pang itinatapat mismo ang kanilang sasakyan sa mga signage.
Dahil dito, isinailalim sa ticketing at wheel-clamping ang mga sasakyang lumalabag sa mga itinakdang patakaran.
Nanawagan naman ang mga awtoridad sa mga Cotabateño na pairalin ang disiplina at sumunod sa mga traffic rules upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko at iba pang abala sa kalsada.
Muli ring iginiit na ang clearing operations ay bahagi ng patuloy na pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan sa mga lansangan ng Cotabato City.

















