Muntik na makapatay ang isang miyembro ng CAFGU ng isang babaeng naglalako lamang ng isda sa Barangay Ladtingan, Pikit North Cotabato. Agad na isinuko ng 90th Infantry Batallion Philippine Army ang suspek na si Edwin Tagalog na muntik makapatay sa tindera ng isda na kinilalang si Bailyn Kamid Idsla.

Sa naging pagtatanong sa suspek, sinabi nito na nawala ito sa sariling katinuan nang di magkaunawaan sa pagtawad sa presyo ng isda na inilalako ng naturang biktima.

Dahil dito, nagdilim ang paningin at sumilakbo ang bugso ng damdamin nito kung kaya’t tinangka nitong patayin ang biktima. Sa ngayon, nasa Pikit MPS ang nasabing suspek at labis-labis itong humihingi ng patawad sa pamilya at sa mismong biktima na hindi tinanggap nito at ito ay sasampahan pa rin ng kaso.