Nagbabala si South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr. laban sa mga indibidwal na naglalathala o nagpapakalat ng mga banta at nakakatakot na content sa social media.
Ayon kay Tamayo, patuloy na ipatutupad ng Provincial Government at mga awtoridad ang kaukulang hakbang laban sa mga lumalabag sa batas.
Sinabi rin niya na nakapagtala na ang pulisya ng mga kaso na humantong sa pagkakaaresto sa dalawang kabataan na edad 16 at 18.
Nadakip umano ang mga ito matapos matuklasan ang kanilang mga post sa social media na naglalaman ng mga banta at nagpapakita ng mga baril.
Dahil dito, pinaalalahanan ng gobernador ang publiko, lalo na ang mga magulang, na tutukan at bantayan ang online activities ng kanilang mga anak upang maiwasan ang mga insidenteng maaaring magdulot ng panganib o legal na problema.
Nagbabala rin si Tamayo na ang mga magulang na mapatutunayang nagpapabaya sa kanilang responsibilidad sa paggabay at pagmomonitor sa kanilang mga anak ay maaari ring maharap sa kaukulang aksyon, depende sa resulta ng imbestigasyon at sa mga umiiral na batas.
Samantala, muling iginiit ng gobernador na hindi papayagan sa South Cotabato ang mga aktibidad na maaaring magdulot ng panganib o negatibong impluwensya sa mga kabataan, kabilang ang tinukoy niyang satanic o demonic activities.
Hinimok naman niya ang publiko na maging responsable sa paggamit ng social media at iwasang gumawa o magpakalat ng mga content na maaaring magdulot ng takot, magpalala ng tensyon o maglagay sa panganib sa seguridad ng komunidad.

















