Arestado ang isang suspek matapos makumpiskahan ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340,000 sa isinagawang anti-criminality checkpoint operation ng pulisya sa Pahamuddin, Special Geographic Area (SGA), BARMM kahapon, Oktubre 11.

Ayon sa ulat, nasita ng pinagsanib na puwersa ng Regional Mobile Force Battalion (RMFB) 14-A, 3rd Platoon, at Pahamuddin Municipal Police Station ang isang pulang Honda Click 125cc motorcycle na walang nakakabit na plaka.

Sa isinagawang paghahalughog, nadiskubre sa utility box o U-box ng motorsiklo ang isang medium-sized na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiya na hinihinalang shabu.

Tinatayang 50 gramo ang timbang nito, na may tinatayang halaga na P340,000.

Isasailalim ang nakumpiskang substansiya sa pagsusuri ng Regional Forensic Unit–BARMM (RFU-BARMM) para sa chemical laboratory examination.

Isasailalim din ang suspek sa drug testing, habang inihahanda ang kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa pagsasampa sa korte.