Patay ang isang 54-anyos na driver matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Marawi Poblacion, Marawi City, Lanao del Sur, bandang alas-8:20 ng umaga ngayong araw Oktubre 14.
Kinilala ang biktima na si Musa Mariano Ongka, residente ng Kapai, Lanao del Sur.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Marawi City Police Station, minamaneho ng biktima ang kaniyang berdeng Racal motorcycle nang sundan siya ng suspek na sakay ng motorsiklong Honda XRM na walang plaka.
Bigla umanong pinagbabaril ng suspek ang biktima gamit ang kalibre .45 na baril, na nagresulta sa pagkamatay nito dahil sa mga tama ng bala sa pisngi, leeg, likod at kaliwang balikat.
Agad na tumakas ang suspek matapos ang pamamaril, habang narekober sa crime scene ang apat na basyo at isang slug ng kalibre .45 na baril.
Nagsasagawa na ng hot pursuit operation at naglagay ng mga checkpoint ang pulisya, katuwang ang Task Force Marawi, habang patuloy ang paghahanap sa suspek, habang inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaril.

















