Pinasalamatan ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” A. Macacua si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa muling pagkilala nito sa awtonomiya ng Bangsamoro, kabilang ang mga demokratikong institusyon at prosesong pampulitika ng rehiyon.

Sa pahayag ni Macacua na inilabas kahapon Oktubre 15, binigyang-diin niya na mahalagang igalang ang kapangyarihan ng Bangsamoro Parliament na magpasya sa sarili nitong pamumuno at direksyon, alinsunod sa Bangsamoro Organic Law.

Ayon kay Macacua, pagkilala ito sa awtonomiyang nakamit ng Bangsamoro sa pamamagitan ng mahabang pakikibaka, sakripisyo at pagsisikap para sa kapayapaan.

Binigyang-diin din ng punong ministro ang responsibilidad ng pamahalaang Bangsamoro na pangalagaan at palakasin ang awtonomiya sa ilalim ng mga prinsipyo ng Moral Governance.

Tiniyak naman ni Macacua na patuloy na makikipagtulungan ang pamahalaang Bangsamoro sa pambansang pamahalaan, civil society at iba pang sektor upang isulong ang kapayapaan at inklusibo at napapanatiling kaunlaran sa rehiyon.

Nanawagan din siya ng pagkakaisa, paggalang sa isa’t isa at sama-samang pagkilos sa pagsisimula ng bagong yugto sa kasaysayan ng Bangsamoro.