Nasawi ang isang provincial-level most wanted person at tatlo nitong kasamahan matapos umanong makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa Sitio Masagana, Barangay Tapayan, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte, kahapon Oktubre 16.

Kinilala ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ang target na si Yusa Ganoy, na kilala rin sa mga alyas na Minimi, Commander Usa at Yousa Ganoy.

Ayon sa CIDG, si Ganoy ay kabilang sa mga inilista nitong most wanted, na may ranggong number four sa provincial level sa Maguindanao del Sur, at sub-leader umano ng Dawlah Islamiya Hassan Group sa ilalim ng Alpha King Group.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-3:30 ng hapon ng CIDG Cotabato, katuwang ang iba pang yunit ng pulisya at mga security personnel, upang ihain ang anim na warrant of arrest laban kay Ganoy, kabilang ang mga kasong destructive arson, direct assault, multiple frustrated murder, double murder, qualified direct assault with multiple attempted murder, at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020.

Ayon sa ulat, nanlaban umano si Ganoy at ang tatlo nitong kasamahan at pinaputukan ang mga operatiba, na humantong sa armadong engkuwentro at pagkamatay ng apat.

Narekober sa lugar ang isang assault rifle, tatlong kalibre .45 na pistola at isang improvised explosive device o IED.

Iniuugnay rin ng CIDG ang grupo sa mga pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, mga pagpatay at iba pang insidente ng karahasan, kabilang ang panununog sa Maguindanao del Sur.