Kinondena ni Bangsamoro Parliament Member Froilyn T. Mendoza ang pagpatay sa tribal leader at barangay kagawad na si Joel Magtud, na binaril ng hindi pa nakikilalang mga salarin sa Crossing Hill 224, Barangay Maitumaig, Datu Unsay, Maguindanao del Sur, noong Sabado, Oktubre 17.
Batay sa paunang impormasyon, dumalo si Magtud sa isang pulong ng mga lider ng Indigenous Peoples sa Nuro, Upi, bago bumiyahe pauwi kasama ang tatlong kasamahan sakay ng magkakahiwalay na motorsiklo.
Dakong alas-4:45 ng hapon, pagdating sa nasabing lugar, pinagbabaril umano si Magtud ng mga salarin na magkaangkas sa motorsiklo.
Nagtamo siya ng tatlong tama ng bala at isinugod sa Bangsamoro Regional Medical Center, ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Si Magtud ay kagawad ng Barangay Macalag Mahantao sa Datu Hoffer at lider ng mga katutubong Teduray.
Sa pahayag ni Mendoza, nanawagan siya ng mabilis, masusi, patas at malinaw na imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa pamamaslang at mapanagot ang mga responsable.
Nanawagan din siya ng proteksyon para sa pamilya ng biktima at mga posibleng saksi, at hinimok ang mga komunidad at kinauukulang institusyon na magkaisa sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaligtasan ng mga lider ng Indigenous Peoples.

















