Nasamsam ng mga operatiba ng pulisya ang 29 na master case o kabuuang 1,450 ream ng hinihinalang puslit na Cannon Menthol cigarettes na nagkakahalaga ng mahigit 1.24 milyong piso sa Barangay Dapiawan, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur, noong Oktubre 17, 2026.

Ayon sa Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), dakong alas-2:10 ng hapon nang magsagawa ng operasyon ang Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station, katuwang ang Regional Intelligence and Anti-Illegal Drugs Task Group-Regional Intelligence Division, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa BIN hinggil sa mga sigarilyong hinihinalang puslit at iniwan sa Sambulawan Street.

Natagpuan ang mga sigarilyong nakatago sa tabi ng kalsada, ngunit walang naabutang sinumang umangkin sa mga ito.

Dinala ang mga nakumpiskang sigarilyo sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at safekeeping, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang may-ari at mga posibleng sangkot sa pagpupuslit.