Apat na indibidwal, kabilang ang isang babae, ang arestado matapos makumpiska sa kanila ang tinatayang P1.03 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Rizal Poblacion, Banga, South Cotabato nitong Sabado, noong Oktubre 17.
Pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-12 Regional Special Enforcement Team ang operasyon, katuwang ang PDEA South Cotabato at Philippine Army.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa kanilang mga alyas na Kim, 26; Van, 33; Ar-Ar, 21; at Mar, 26, na pawang residente ng nasabing lugar.
Tinatayang 151.8 gramo ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng P1,032,240 ang nakumpiska sa operasyon.
Nakuha rin ng mga operatiba ang P1,000 marked money, 69 na piraso ng boodle money, cellphone, sling bag, timbangan, at isang tricycle.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA-12 ang apat na suspek habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, na may kaugnayan sa pagbebenta at ilegal na pagmamay-ari ng mapanganib na droga.

















