Tiniyak ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU na hindi makikialam ang pamahalaang pambansa sa pagpili ng liderato ng Bangsamoro Parliament, alinsunod sa awtonomiya ng rehiyon at sa Bangsamoro Organic Law.

Sa pahayag ni Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen S. Sarmiento nitong Oktubre 19, iginiit niyang nasa kapangyarihan ng Bangsamoro Parliament ang pagtukoy sa sariling liderato at pagbuo ng pamahalaang rehiyonal.

Kasunod ito ng anunsyo ng 46 na miyembrong majority coalition, na kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pahayag noong Oktubre 14.

Ayon kay Sarmiento, makikipag-ugnayan ang Pangulo sa lahat ng partidong politikal sa rehiyon matapos pormal na piliin ng mga parliament member ang kanilang mga lider at mabuo ang pamahalaan.

Binigyang-diin din ng OPAPRU ang kahalagahan ng pagkakaisa at kooperasyon sa pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro at sa buong Mindanao.

Kabilang sa mga susunod na prayoridad ng administrasyon ang pagpapatuloy ng normalization process, gaya ng decommissioning ng mga natitirang combatant ng Moro Islamic Liberation Front o MILF, pagbuwag sa mga private armed group, at pagsusulong ng mga kaugnay na kasunduan sa kapayapaan sa Moro National Liberation Front o MNLF.