Naging bahagi ang Davao City sa sabayang paglulunsad ng bagong iPhone 18 series sa pamamagitan ng isang eksklusibong event na nagbigay ng pagkakataong makuha ang kanilang mga bagong device bago ang opisyal na nationwide release.

Ginanap ang pagtitipon sa Mori & Mill, kung saan pinagsama ang pagpapakilala ng mga bagong Apple device at ang pagpapakita ng lokal na negosyo sa ilalim ng programang Platinum for Platinum ng Globe Platinum.

Pinangunahan ni Anthony Ang, isang negosyante at culinary entrepreneur, ang pagtitipon sa Davao na dinaluhan ng mga piling subscriber at miyembro ng business community.

Ayon kay Mark Pasaylo, pinuno ng Globe Platinum Business, layunin ng naturang aktibidad na mabigyan ang mga premium subscriber ng mas personal na karanasan sa pagkuha ng bagong device, sa halip na pumila sa mga karaniwang retail outlet.

Kasabay ng paglulunsad sa Davao ang mga aktibidad sa Manila at Cebu, bilang bahagi ng kampanya ng kumpanya na palakasin ang customer experience at pakikipagtulungan sa mga negosyong pag-aari ng kanilang mga subscriber.

Samantala, sinabi ng Globe na maaaring makapag-upgrade taun-taon sa pinakabagong flagship iPhone ang mga kwalipikadong subscriber sa pamamagitan ng *iPhone Forever* program, alinsunod sa mga umiiral na tuntunin at kondisyon nito.

Nagsimula ang pakikipagtulungan ng Globe at Apple sa pagpapakilala ng iPhone 3G sa Pilipinas noong 2008, na nagpalawak sa access ng mga lokal na consumer sa smartphone technology.

Sa pamamagitan ng pinakahuling paglulunsad, itinampok din ang papel ng mga lokal na negosyo sa Davao sa pagbibigay ng lugar para sa mga aktibidad na nag-uugnay sa teknolohiya, negosyo at mga mamimili.