Nasawi ang isang paring Katoliko matapos siyang tamaan ng malaking kahoy na krus na nahulog mula sa dingding habang nagdaraos ng misa sa Guayaquil, Ecuador.
Kinilala ng Archdiocese of Guayaquil ang pari na si Father Patricio Alfredo Sánchez Molinari, na naglilingkod sa Church of Perpetual Relief of the Central Vicariate.
Batay sa mga ulat, naganap ang insidente noong Sabado, Oktubre 17, habang isinasagawa ang misa na naka-livestream sa social media.
Makikita sa video ang pagkahulog ng mabigat na krus mula sa likod ng altar at pagtama nito sa ulo ni Sánchez habang ipinagdiriwang ang misa.
Agad na humingi ng tulong ang mga taong naroroon sa simbahan, habang maririnig sa livestream ang panawagang tumawag ng ambulansiya bago tuluyang maputol ang broadcast.
Sa pahayag ng Archdiocese of Guayaquil, nagpahayag ito ng pagluluksa at pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at sa komunidad na pinaglilingkuran ng pari.
Sa ngayon, wala pang inilalabas na opisyal na paliwanag tungkol sa dahilan ng pagkahulog ng krus. Wala rin pang komento ang mga lokal na awtoridad hinggil sa insidente.

















