Mula sa pagsusuot ng uniporme ng pulisya hanggang sa paghahanda para sa pambansang kompetisyon, si Police Corporal AJ Salvador ang kakatawan sa Cotabato City at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM sa Mister Intercontinental Philippines 2026.
Siyam na taon nang miyembro ng Philippine National Police o PNP si Salvador. Isa rin siyang registered criminologist at nagtapos ng Master in Criminal Justice.
Taglay rin niya ang Fire Officer eligibility at NAPOLCOM eligibility, at nakapasa sa mga pagsusulit para sa promosyon sa PNP.
Bukod sa kanyang tungkulin bilang pulis, isinusulong din ni Salvador ang edukasyon at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga komunidad na nangangailangan ng suporta, kabilang ang komunidad ng mga Badjao.
Sa pamamagitan ng kompetisyon, hangad niyang maipakilala ang kanyang mga adbokasiya at magamit ang kanyang plataporma sa pagsusulong ng mga gawaing pangkomunidad.
Nakatakdang ganapin ang Mister Intercontinental Philippines 2026 mula Disyembre 8 hanggang 12 sa La Trinidad, Benguet, batay sa impormasyong ibinahagi ng organisasyon ng kompetisyon.

















