Naresolba sa pamamagitan ng mapayapang dayalogo ang hidwaan sa lupa sa pagitan nina Nhogs Tukas ng Barangay Nabalawag at Municipal Councilor Muslimin U. Antao ng Kadayangan, kapwa sa Special Geographic Area o SGA ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Isinagawa ang pagpupulong sa himpilan ng 33rd Infantry (Makabayan) Battalion ng Philippine Army upang talakayin ang pinagmulan ng sigalot at humanap ng paraan para matuldukan ang hindi pagkakaunawaan ng dalawang panig.
Nakiisa sa dayalogo ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, Philippine National Police, mga peace mechanism at Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAF upang suportahan ang proseso ng pag-aayos ng alitan.
Pinangunahan ang aktibidad ni Lieutenant Colonel Germen T. Legada, commanding officer ng 33rd Infantry Battalion, katuwang si Captain Emerjhon Jamal A. Seña ng Alpha Company.
Nagtapos ang pagpupulong sa paglagda ng kasunduan ng dalawang panig na naglalayong igalang ang napagkasunduang mga kondisyon, palakasin ang koordinasyon, at idaan sa maayos na pag-uusap ang anumang susunod na hindi pagkakaunawaan.
Bahagi ito ng pagsisikap ng mga kinauukulang ahensiya at lokal na pamahalaan na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa SGA-BARMM.

















