Inaprubahan na sa antas ng subcommittee ng Senate Committee on Finance ang panukalang budget ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU para sa 2027, ngayong araw ng Martes, Oktubre 20.
Pinangunahan ni Senator JV Ejercito ang pagdinig sa Subcommittee A, kung saan inilahad ng ahensiya ang planong pondohan ang mga programang pangkapayapaan, kabilang ang tulong sa mga dating mandirigma at kanilang pamilya, gayundin ang pagpapaunlad ng mga komunidad na apektado ng armadong tunggalian.
Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, mahalagang mapanatili ang mga nakamit sa proseso ng kapayapaan, kung saan kabilang ang edukasyon sa mga hakbang na makatutulong upang mapanatili ang mga pagbabagong naidulot nito.
Binigyang-diin naman ni Senator Ejercito ang pangangailangan sa pagpapalakas ng imprastraktura, partikular sa Mindanao, upang matugunan ang mga salik na nagiging dahilan ng tunggalian.
Sa pangunguna ni Presidential Peace Adviser Mel Senen S. Sarmiento, inilatag ng OPAPRU ang tinawag nitong Peace Investment Plan para sa 2027, na nakatuon sa rehabilitasyong sosyo-ekonomiko ng mga komunidad na apektado ng sigalot.
Gayunman, ang pag-apruba sa subcommittee level ay bahagi pa lamang ng proseso ng pagtalakay sa panukalang budget at hindi pa nangangahulugang ganap na itong aprubado bilang pambansang pondo para sa 2027.

















