Tinalakay ng Bangsamoro Darul-Ifta’ (BDI) ang mga pamantayan at prinsipyo ng Halal sa mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs sa isang forum na isinagawa noong Oktubre 6 sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.

Ipinaliwanag ni Sheikh Yasser Abdullah ng Community Research Affairs ng BDI ang kahalagahan ng pagsunod sa mga tuntunin ng Halal, partikular sa paghahanda ng pagkain at pagpapatakbo ng mga negosyong nasa food industry.

Kabilang sa mga paksang tinalakay ang pagpapanatili ng kalinisan, kaligtasan at kalidad ng mga produktong pagkain, gayundin ang mga rekisito na dapat maunawaan ng mga negosyante upang matiyak na naaayon sa pamantayan ng Halal ang kanilang mga produkto.

Binigyang-pansin din sa forum ang potensiyal ng Halal market bilang oportunidad para sa mga lokal na negosyo na makapagpalawak ng kanilang mamimili at mapalakas ang tiwala sa kanilang mga produkto.

Sa pamamagitan ng naturang aktibidad, layon ng BDI na mapalawak ang kaalaman ng mga negosyante sa wastong aplikasyon ng mga prinsipyo ng Halal sa kanilang negosyo at pang-araw-araw na gawain.