Itinanggi ni dating Bangsamoro Transition Authority (BTA) Member of Parliament Sultan Edrieza Rimbang Al-Hadj ang mga paratang na inuugnay siya at ang kanyang pamilya sa umano’y drug shipment na may kaugnayan sa Laos.

Sa inilabas niyang pahayag, sinabi ni Rimbang Al-Hadj, na wala siyang naging pakikipag-ugnayan sa sinumang opisyal o indibidwal sa Pilipinas upang magtungo sa Laos o magdala ng anumang bagay na makapipinsala sa bansa.

Hiniling din niya sa publiko at sa pamahalaan na huwag iugnay ang kanyang pangalan sa naturang usapin at iginiit na dapat itong dumaan sa masusing imbestigasyon dahil sa bigat ng alegasyon.

Ayon kay Rimbang Al-Hadj, labis siyang nasasaktan dahil nadadamay ang kanyang pamilya, lalo na ang kanyang mga anak na aniya’y natatakot at nahihiyang pumasok sa paaralan at mamuhay nang normal dahil sa mga kumakalat na impormasyon sa social media.

Muli rin siyang nanawagan sa pamahalaan na iwasang ilantad sa social media ang mga pangalan at mukha ng kanilang pamilya, at iginiit na wala siyang naging kaso sa droga at hindi siya nakipagsabwatan sa anumang ilegal na gawain.